Kuwentong Kurbata
This piece was written when I was 14 years old. I had to write for my Filipino project. This was my first writing piece. I am not sure if I’ve read Bob Ong’s books when I wrote this. When I found the typescript, the original typescript of this piece, I realized that the 14-year old Chick and the 18-year old Chick do not have any differences in terms of writing. Nakakatawa lang. Ganon pa rin ako magkwento.

Anyway. This is Kuwentong Kurbata:
KUWENTONG KURBATA
Naaalala ko pa noong maliit pa ‘ko, madalas pag-usapan ng mga magkakaibigan o di kaya ng mga magkakamag-anak ang mga kinabukasan namin. Lalo na kapag mataas ang pangarap sa’yo ng mga magulang mo.
Madalas naming mapag-usapan noon ng mga kaibigan ko ang mga balak namin sa buhay. May gustong mag-pulis, mag-abogado, mag-teacher, mag-doktor, mag-bumbero, mag-engineer, mag-architect, mag-accountant, mag-artista. Pero ang madalas na naririnig ko noon ay ang mga taong may nakataling kurbata sa mga leeg. Ang tanong ko pa no’n, “Sa’n kaya sila nagtatrabaho?”
Isang malaking tanong sa’kin dati kung ano ang pinag-aaralan para makapag-suot rin ako ng kurbata. Ang akala ko pa noon ay ang mga taong naka-kurbata ay mga taong pulitiko lang. Gusto ko din magsuot ng kurbata.
Naglalaro ako noon sa likuran ng bahay ng lola ko. Lumipat kami sa bahay ng lola ko bago ko magsimulang mag-aral sa kinder. Marami-rami na rin akong kalaro no’n. Mga limang taong gulang na ‘ko no’n. Syempre, ang laging tanong ng mga makikilala mong mas matanda sa’yo, kapareho ng tanong ng nanay at tatay mo: “Ano ang gusto mo paglaki mo?”
Dahil sa teacher pa lang ang nakikita kong bida noon, ang sagot ko palagi sa tanong nila: “Guto ko, tulad ni maaaaaaaaaaam!”
Nagalit pa ang tatay ko noon dahil ang akala nya ay isa akong bakla. Pero nawala ‘yon dahil sa paliwanag ng nanay ko. Buti na lang nagpaliwanag sya! Pagdating ko sa eskwelahan, ganon pa din ang tanong ng mga teacher ko sa’kin. Wala talagang pinagbago ang mga tanong nila sa tanong ng mga magulang ko. Doon ko lang naisip na totoo pala ang sinasabi nila sa amin, na sila daw ang pangalawang magulang namin.
“Ikaw! Stand!”
Ako pala yung tinatawag. Habang patayo ako, tuloy ang pag-gapang ng pawis ko galing sa noo. Habang tuloy sa pag-gapang ang pawis ko, nagsasayaw ang tuhod ko sa kaba. Pinapunta ako ni Mrs. Paglinawan sa harapan.
“Ano ang pangarap mo? Ano ang gusto mo paglaki mo? Share it with the class.”
“Ahm. Gushto ko. Yung. Katulad ni mam!”
“Gusto mong maging teacher? Maganda ang pangarap mo. Kaya lang, hindi nyo pa maiintindihan ang mga bagay-bagay para sabihing gusto mo talagang maging katulad ko. Pero walang masama sa pangarap. Thank you Patrick.”
Pinaupo na ako no’n. Nagtatawanan lang ang mga classmates ko sa’kin habang tinatanong ako ng teacher ko sa harapan. Pero habang sinasagot ko ang tanong nya, iniisip ko pa din ang trabaho ng may kurbata.
Tumatanda na ako ng tumatanda. Nakarating na ako sa Grade Three. Kahit papaano, may mas malawak na ‘kong kaalaman sa iba’t-ibang trabaho. Pero ang tinatanong ko pa rin: “Ano ang trabaho ng taong may kurbata?”
Noong Grade Three na ‘ko, medyo tumaas na ang pangarap ko. Mas mataas pa rin ang isang teacher, pero naisip ko noon na wala namang teacher yung sumisikat ng sikat na sikat. Naisip ko kasi no’n, gusto kong maging architect o di kaya, painter. Ang sabi sa’kin ng mga matatanda, “Walang kikitain ang mga painter!” O di kaya, “Madaming course jan, bakit ‘yan pa napili mo?” Kaya simula no’n, binago ko na din ang pangarap ko. Gusto ko na maging isang: Cartoonist. Di ko pa nga sigurado kung ano ang pinagkaiba. Parehas rin namang art ang pagkakakitaan ko. Sinubukan ko p angang magpakitang gilas no’n sa pag-drawing. Gusto kong ipakita sa kanila na pwede akong kumita sa pamamagitan ng Mongol #2 at Best Buy pad paper. Nagpabili ako ng notebook sa nanay ko na may 100 leaves para sulit. Lion na nagsi-circus pa nga yung cover nun eh. P14.50 pa yata yung bili namin nun sa convenience store sa kanto ng bahay ng lola ko. Dahil malakas ang tiwala ko sa sarili ko, ballpen na ang ginagamit ko. Hindi na yung Mongol #2.
Nagsimula na ‘kong mag-drawing sa notebook. Masaya ako no’n kasi gusto ko yung cover ng notebook ko. Sa loob ng notebook ko, nag-isip ako ng pwedeng ilagay. At dahil Grade Three pa lang ako no’n, sikat pa ang mga cartoons o animé ng Japan. Ginaya ko ang drawing doon at gumawa ako ng kakaibang kwento tungkol sa kanila. Sinubukan kong gumawa ng comics sa karakter ng mga yun. Wala akong alam sa plagiarism noon, sorry. Hindi ko naman din sila pinagkakitaan.
Natapos ko yung isang notebook. Sinubukan kong ibenta ‘yon sa mga kaklase ko pero walang sumubok mag-bid. Walang nangyari sa pinaghirapan ko. Walang nakakita sa mga ginawa ko kundi mga kaibigan ko at kaklase ko lang. Ang mga magulang ko naman, hindi din nakita yung mga ginawa ko.
Hindi ako sumuko sa pagguhit. Tinuloy ko ‘yon sa isa pang notebook na may 100 leaves din. Ang ginawa ko naman do’n, comics din pero mga jokes ang laman. Lahat ng naririnig kong jokes, inilalagay ko do’n. Medyo nahirapan nga lang ako dahil hindi ko alam kung sino ang kukunin kong karakter. Natapos ko ang notebook na yun no’ng Grade Four na ‘ko. Naalala ko, may isang araw na nagdo-drawing ako sa classroom. Bago mag-simula yung afternoon class ko, nagdadagdag ako ng bagong joke sa notebook na ‘yun. Nakita ako ng isang fourth year high school. Magaling din siyang mag-drawing. Hiniram nya ko. Idol nya daw pala ‘ko. Nakita nya na rin pala yung ibang drawings ko.
Sinubukan ko ulit ibenta yung notebook. Walang nangyari. Ako lang ang nagbasa. Swerte na lang kung may nakapulot ng notebook ko sa bahay namin at sinubukang basahin. Napikon na ‘ko. naisip ko, sayang ang ginagawa kong comics. Sayang ang pera ko pambili ng 100 leaves na notebook. Naghanap na lang ako ng mga notebook na hindi ginagamit sa bahay namin.
Habang nagiikot ako sa bahay, nakakita ako ng tatlong dangkal na papel. Kulay puti. Ang kinaganda pa no’n, scratch paper lang silang lahat galing sa tito kong mahilig magpa-xerox ng notes. Pagkakataon na ‘yon. Nag-drawing ako ng mga cartoon characters. At dahil paborito ng mga bata ‘yon no’n, ibinenta ko lahat ng nado-drawing ko. Tuwang-tuwa ako no’n dahil umuuwi ako ng bahay ng may bente pesos. Malaki na ‘yon para sa’kin. Pero isa pa din ang nasa isip ko habang tuwang-tuwa ako sa bente: “Ano ang trabaho ng may kurbata?”
Dumating ako ng first year high school. Nawala na sa isip ko yung drawing. Ang paggawa ng comics. O ang pagbebenta ng na-drawing ko. Dumating ako sa puntong nag-iisip na ‘ko ng dapat ko pag-aralan pagkatapos ng tatlong taon. Syempre, ang nasa isip ko no’n, “Ano ang trabaho ng may kurbata?”
Pero noong panahon na ‘yon, hindi na gano’ng kataas yung tingin ko sa mga taong may kurbata. Kadalasan kasi sa mga nakikita kong may kurbata, mga pulitiko, mga artista, o di kaya karaniwang suot na lang sa kung saan-saang sulok ng TV. Dati gustong-gusto kong isuot ang kurbata dahil sa magmumukha talaga ‘kong kagalang-galang. Pero kapag naiiisip ko ang mga pulitikong manloloko ng mga tao, parang gusto kong punitin ang mga de-kurbatang damit kapag nakikita ko. Minsan nga, naisip ko na ang de-kurbatang damit ay simbolo ng mga taong matataas, pero walang dangal.
Naisip ko na din noon na ang de-kurbatang damit ay hindi naman ganoon kasama. Iniisip ko pa din noon kung ano ang trabaho ng mga may kurbata. At ang sumagi sa isip ko: ABOGADO.
Tuwang-tuwa ako no’n kasi maganda ang trabaho ng isang abogado. Suot mo ang amerikana, may kurbata, at mukha ka talagang kagalang-galang. Irerespeto ka ng makakasalubong mo. Simula no’n, gusto ko nang maging abogado.
Nagsisikap ako no’ng mga panahon na ‘yon kasi gusto kong maging abogado. Lagi pa nga ‘kong nagbabasa ng dyaryo para malaman yung mga nangyayari sa paligid ko. Pero may isa pa ‘kong nabasa sa dyaryo na hindi ko makalimutan. Tungkol pa din sa mga de-kurbatang tao. Matindi ang tama sa akin ng balitang ‘yon. Hindi nawala sa isip ko nang mabasa ko ang nakalagay sa dyaryo bago pumasok ng eskwelahan. Napaisip na naman tuloy ako tungkol sa mahiwagang kurbata na gustong-gusto kong isuot.
“DEMANDA NG TRABAHADOR SA MAYAMANG NEGOSYANTE, IBINASURA!”
Nabasa ko yang balita na ‘yan. Lahat ng reklamo ng mga manggagawa sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ay hindi pinansin ng korte. Ang ilan ay hindi pinansin, dahil malakas ang kapit ng negosyante sa munisipal kung saan dinala ang mga reklamo. Ang ilan, binayaran ng konsehal ang mga trabahador para umatras. Bakit kaya nagkaganon ang de-kurbatang superhero?
Ang kinilala kong superhero, nabayaran ng de-kurbatang superhero. Kapag sinuot ko na kaya ang kurbatang ‘yon, maranasan ko pa kayang galangin ng mga tao?
Ang akala ko, lahat ng mga naka-kurbata ay dapat galangin. Gusto ko pa din namang magsuot ng coat and tie. Aba, masarap yata ang may tinataling kurbata sa leeg bago pumasok sa opisina. Pero hini na rin ganoon kataas ang tinign ko sa mga may kurbata. Kahit papano, magmumukha kang kagalang-galang. Ngayon ko talaga napatunayan na wala sa itsura ang dangal. Simula no’n, hindi ko na rin inasam na masuot ang costume ni Kurbata Man.
Ngayon, heto ako. Nagsusulat ng isang kwentong kurbata. Hilig ko ang magsulat ng kwento. Pero ito lang ang maituturing na kwento. Nangangahulugang hindi na ako masyadong hinahatak ng kurbata. Ang pagsusulat ay mas malaya, walang boss, walang amo. Hindi rin kailangan ng kurbata habang nagsusulat ako ng libro.
Si Kurbata Man ngayon ay nagkalat. Kung saan-saan sila makikita. Pero may iba’t-ibang lenggwahe. May mga naka-kurbatang karapat-dapat na galangin. Kaya lang, hindi lahat, superhero. O di kaya, ang ibang mga naka-kurbata, nandyan. Mga mortal na kaaway ng mga taong malaya sa pagkakatali ng kurbata sa kanilang mga leeg!
Recent Comments